Araw ng Linggo
Tuloy-tuloy ang pag-ulan. Baha na ang kalsada. May namumuong sama ng panahon ayon sa PAGASA. Buong araw mong suot ang paboritong jacket. Isang malaking pagsubok ang paliligo dahil sa sobrang lamig. Masarap humigop ng mainit na sabaw. Buong araw kang nasa loob ng bahay. Post sa facebook, tweet sa twitter, text sa mga kaibigan (pati kay special someone) at manood ng T.V. maghapon.
Araw ng Lunes
Malakas na ihip ng hangin. Malakas na buhos ng ulan. Tumaas ang baha sa mga kalsada. Ang namumuong sama ng panahon kahapon ay tuluyan ng naging bagyo. Maagang nagising. Manonood agad ng T.V., makikinig sa radyo at hawak agad ang cellphone. Kung minsan naman ay mag-oonline agad sa facebook at twitter. Isa lang ang inaabangan ng halos lahat ng estudyante, ang i-anunsyo sa telebisyon at radyo na Walang pasok.
CLASSES ARE SUSPENDED IN ALL YEAR LEVELS. Bagamat binalita na sa T.V. at narinig mo na sa radyo na walang pasok, i-tetext pa din ang mga kaklase kung para kumpirmahin kung totoo nga na walang pasok. Hindi kumbinsido sa mga narinig na balita (baka kasi joke lang ang balita). Kapag kumpirmado na ang lahat, post sa facebook at tweet sa twitter: Yehey! Walang pasok!. Madami ang masaya ngunit meron din namang mga nanghihinayang. Masaya dahil may dagdag oras pa para gawin ang mga hindi pa natatapos/nagagawang assignments, mauurong ang araw ng exam at submission ng mga projects. Nanghihinayang dahil kapag walang pasok, walang baong pera. Maaari di na nanghihinayang dahil hindi makikita si crush o kaya naman ang bf/gf for that day.
Manonood ng telebisyon, maglalaro ng computer games, bibisitahin ang mga social networking sites at magtext sa mga kaibigan (o sa special someone) ang ginawa maghapon (sa iba naman, matulog buong araw). Ang saya dahil walang pasok. Aminin man natin o hindi, kung minsan ay hinihiling pa natin na sana manatiling malakas ang ulan para wala pa ding pasok kinabukasan. Para sa mga estudyante, wala ng mas sasarap pa sa pakiramdam kapag nalaman mong suspended ang klase.
Araw ng Martes
Natupad ang kahilingan ng ilang estudyante. Wala pa ding pasok dahil sa masungit na panahon. Mas lumakas ang ihip ng hangin at buhos ng ulan. Mas tumaas ang tubig baha sa kalsada. Ilang sandali pa, nawalan ng kuryente, brown-out!. Magsisindi ng kandila at kukunin ang mga pamaypay. Magtetext sa mga kaibigan at tatanungin kung nawalan din ba sila ng kuryente. Kung may internet naman ang cellphone, mag-popost sa mga social networking sites na walang kuryente. Makalipas ang isang oras, nagsisigawan sa tuwa ang mga kapitbahay. Ayos! may kuryente na ulit.
Lumilipad na mga bubong ng bahay at mga naglalakihang puno at mga poste ng kuryente na nakatumba. Stranded na mga tao at tumirik na mga sasakyan dahil sa baha. Idagdag na din ang mga lubog sa tubig-baha na mga palayan at iba pang mabababang lugar sa bansa. Tambak ang mga basura. Malalakas ng hampas ng alon sa dagat at mabilis na pag-apaw ng mga ilog. Rescue team na abalang-abala sa paglikas sa mga kababayan natin na nakatira malapit sa mga landslide-prone area at mga ilog. Paghahanap sa mga nawawalang mangingisda. Mga mangingisdang inabot ng masamang panahon habang nasa gitna ng dagat.
Bagamat walang pasok, madami pa ding tao sa mga paaralan. Nagsilbing evacuation center para sa mga nasalanta ng bagyo. May mga maswerte na pinasok lamang ng tubig-baha ang mga bahay kaya pansamantalang nananatili sa loob ng evacuation center (paaralan). Ang iba naman, tuluyang sinira ng bagyo ang tirahan. Mga batang nagkakasakit (pati matatanda). Walang malinis na pagkukunan ng tubig. Mga taong pansamantalang umaasa sa mga "relief goods" para makakain.
Araw ng Miyerkules
Wala na ang malakas na ihip ng hangin at malakas na buhos ng ulan. Bumuti na ang panahon. Nasilayan ng muli si haring araw. Wala na ang bagyo. Bagamat alam na sa sarili na may pasok, manonood pa din ng "opisyal" na anunsyo sa balita at pilit na kukumbinsihin ang sarili na may pasok na ulit.
Kasama pa din sa balita ang mga nasalanta ng bagyo. May ilang paaralan na balik na ang klase subalit mayroon din namang mga paaralan na suspended pa din ang klase. Kahit na wala na ang malakas na ihip ng hangin at malakas na buhos ng ulan, ilang paaralan oa din ang nagsisilbing evacuation center ng mga biktima ng bagyo. Dagdag pa nito, nananatiling lubog sa baha ang kanilang lugar. May mga bumalik na sa kani-kanilang mga tirahan subalit may mga naiwan pa din at patuloy na humihindi ng tulong. Mga nasalanta na wala ng tirahan na babalikan dahil tuluyang nasira na ng bagyo. Sa kabila nito, tuloy-tuloy naman ang pagdating ng mga "relief goods" mula sa mga government at non-government organizations (NGO's). Patuloy pa din ang mga rescue team sa maghahanap mga nawawalang mangingisda na nasa gitna ng dagat.
6:00PM, Araw pa din ng Miyerkules
Habang papauwi mula sa paaralan, biglang bumuhos ang ulan. Mahina lang ang ulan pero tuloy-tuloy. Hindi din malakas ang ihip ng hangin, pero sapat na para magbaha sa ilang lugar. Mahirap maghanap ng masasakyan pauwi. Ma-trapik. Salamat sa Diyos at nakauwing ligtas. Salamat din sa dalang payong kaya hindi masyadong nabasa ng ulan. Malamig ang gabi at suot muli ang paboritong jacket. Bago matulog, tinanong ang sarili "May pasok kaya bukas?".
0 comments:
Post a Comment