Saturday, November 24, 2012

Kathang-isip...

     2:00am ng madaling araw. Pauwi mula sa trabaho. Malamig ang simoy ng hangin. November na kasi at halos isang buwan na lang ay Pasko na. Umaasa na ako na may makakasabay akong mga "lasing" dahil nga "Party Time" ang araw ng Biyernes. Malamang ay sabado na ng madaling araw na ang uwi nila. Hindi naman ako nabigo. Skip na tayo sa byahe dahil wala naman masyadong "happenings" bukod sa mga kasabay kong "lasing" na maingay (as expected). Mabilis lang ang byahe. Halos 45 minutes lang dahil bukod sa wala naman talagang trapik sa madaling araw, karerista ang mga driver ng bus at jeep na nasakyan ko.

     Masyado pang maaga para umuwi kaya naisip ko munang mag walk-trip around the neighborhood. Madalas ko naman 'tong gawin pero first time kong gawin 'to ng ganito kaaga. Almost 3:00am na kaya may nakita na din akong mga nagjo-jogging. Ang mga lolo at lola na maagang nagigising para magwalis sa tapat ng kani-kanilang bahay. Mga bumibili ng pandesal sa bakery (malamang). Mga barangay tanod na natutulog. Hindi syempre mawawala ang mga tambay.

     Sa kalagitnaan ng aking pagmumuni-muni habang naglalakad ay may kumalabit sa'kin mula sa likod. Malamang ay medyo nagulat ako. Medyo lang naman. Don't worry, hindi siya holdaper. Isang medyo gusgusing batang lalaki. Namamalimos. Nanghihingi ng barya. Kahit piso lang daw. Sakto! may barya ako sa bulsa. Tatlong-piso. Sukli ko kanina. Bukod sa barya ay binigay ko na din sa kanya ang baon kong tinapay na hindi ko nakain. Nakakatuwa lang dahil marunong siyang magpasalamat hindi katulad ng ibang mga namamalimos na bigla na lang aalis pagkatapos mong bigyan ng kaunting barya. Umupo agad ang bata sa may bangketa at kinain ang bigay kong tinapay. May malapit na bakery kaya naisip kong bumili na din ng pandesal at "panulak". Medyo nagutom din ako kakalakad. Pagkatapos kong bumili ay nakita ko na nasa may bangketa pa din ang bata at kumakain pa din. May pumitik siguro na ugat sa utak ko kaya nilapitan ko siya at binigay ang binili kong sampung-pisong pandesal at juice na nasa tetra pack. Pero kumuha muna ako ng dalawang pirasong pandesal bago ko binigay sa kanya ang iba. Dalawang ugat siguro ang pumitik sa utak ko kaya naisipan ko munang tumabi sa kanya at sabayan siyang kumain. Napansin kong medyo naiiba siya sa mga katulad niya. Hindi naman siya masyadong madumi at di din naman masama ang amoy kaya nasabi kong medyo gusgusing bata lang. Habang kumakain kami ay tinapik muli niya ako at nagpasalamat. Maya-maya lang ay biglang nag "drama" ang bata. May "laman" ang bawat salitang sinasabi niya sa'kin. May pinaghuhugutan.

     Tinanong muna niya ako kung bakit ko daw siya binigyan (muli) ng tinapay at may juice pa. Wala lang, hindi ko din alam kung bakit, sagot ko sa kanya. Wala ka sigurong magawa kuya 'no?, ang sabi naman niya. Siguro nga, ang tugon ko naman. Kawawa ka naman kuya, ang mabilis niyang sagot. Huh?! bakit naman? sagot ko agad na medyo may pagkabigla sa sinabi niya. Kasi nga wala kang magawa di ba sabi mo, di ka katulad ko na palaging busy, sabi ng bata. Busy ka saan? tanong ko sa kanya. Kakalakad, ang tipid niyang sagod sa'kin. Ano naman ang napapala mo sa paglalakad? sunod kong tanong. Medyo napaisip siguro siya sa tanong ko kaya napahinto muna siya ng ilang segundo bago sumagot. Madami, ang nasabi niya. Hindi na niya dinugtungan ang sagot niya at sa halip (lalim ng term) ay nagsalita na lang ng kung anu-anong bagay na nasa isip niya. Kahit ganito kuya sa tingin ko ang swerte ko pa din. Wala kasing masyadong problemang iniisip. Kapag nagutom ako, maaari naman akong mamalimos at humingi ng pagkain sa mga tao. Kapag inaantok ako, kahit saan naman ay may bangketa na pwede kong tulugan. Wala pa din naman akong asawa at anak na pinapakain. Iisipin ko lang kung paano ako tatagal. Napahinto ako sa pagkain ko ng pandesal dahil sa mga sinasabi niya. Nagulat din ako dahil hindi ko akalain na sa edad niya na sa tingin ko ay 14 na taong-gulang ay masasabi na niya ang mga ganoong bagay. Wala na akong masabi masyado kaya tinanong ko na lang kung may bisyo ba siya. Wala, ang mabilis ulit niyang sagot. Nakakainis lang kung minsan kuya kasi iniisip ng mga tao na ang mga binibigay nilang limos ay pinangbibili ko lang ng daw ng sigarilyo o kaya pinangru-rugby. Madami pa sana akong gustong itanong sa kanya pero siya na din mismo ang unang nagpaalam. Aalis na daw siya. Tinanong ko kung saan ang punta niya. Hindi ko din alam kung saan, ang sagot niya sa akin. Okey, ingat, ang tanging nasabi ko. Salamat ang huling sabi niya sabay lakad palayo.

     Napatingin ako sa cellphone ko at nakita ko na halos 4:00am na din pala. Tinamaan na din ako ng antok kaya umuwi na din ako. Habang naglalakad ako pauwi ay inaalala ko pa din ang mga salitang sinabi ng bata. Napapaisip pa din ako kung saan niya nakuha ang mga ganoong ideya. Parang napakadali sa kanya ang mabuhay. Baka naman mukhang madali dahil base sa sinabi niya, hindi niya ginagawang kumplikado ang mga bagay-bagay.

   

     

2 comments:

W said...

Asteeeg!!

Unknown said...

Salamat pareng Jay!

Post a Comment